Martes, Pebrero 23, 2010

Valentine sa Bagong Taon ng mga Intsik Ni El Cid Togonon

Idadaan ko sa feng shui
ang Valentine ngayon Kung Hei Fat Choi
kahit ako ay di naman Tsinoy.

Malas man o swerte,
Aba'y masasagot 'yan ng kristal
o diamante. Di lang makalimutang
sa estante maglagay ng gintong
pusang walang tigil ang pagkaway.

Baka sakaling sa iyong pagdaan
tuluyan kang pumasok at puso'y buksan
huwag lang mag-atubili
baka ang pusang ito'y maging
Tigre. At tuluyang maunsyami
sa iyong pagtanggi.

Sa pagsalubong ng bagong taon
pag-ibig din ba'y singkulay ng fireworks?
Pintig ng puso ba'y sing-ingay ng tambol?
Marahil kasingharot ng iyong alaala
ang sayaw ng dragon na humahalina
sa aking diwa. Tumatagos ang nag-aalab
niyang hininga.

Ganunpaman, sa kabila ng iyong
mga paniniwala--pipillin mo pa rin bang
handugan kita ng rosas at tsokoleyt?
Kasi, kahit ano ko mang pilit
hindi ko pa rin malaman kung paano
paibigin ang kagaya mong Intsik.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento